MENU
×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 367

PAMPUBLIKONG PAHAYAG

Paris, Pransya; ika-15 ng Setyembre 2013. Bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng  Buwan ng Wika, nagsama ang Pasuguan ng Pilipinas sa Paris at ang Episcopalian Church ng Paris, sa pamumuno nina Father John Donn Bautista at Fr. Irwin Merida, sa pagpapalabas ng dulang Pamaypay, Yantok at Pluma sa Social Hall ng Saints Peter and Paul Chapel sa Paris. Kasama ng mga lider at iba pang kasapi ng mga iba’t ibang organisasyong Pilipino sa Paris, nanood ng dula si Ambassador Cristina G. Ortega at ang mga opisyales at kawani ng Pasuguan. Sa kanyang talumpati, hinimok ni Ambassador Ortega na mas lalo pang pag-ibayuhin ang pagpapalawig ng wikang Filipino sa Pransya at sa Monaco sa pamamagitan ng patuloy na pagtuturo nito sa mga kabataan at ang paggamit nito sa araw-araw. 

Bago magsimula ang dula, pinarangalan sa araw ring iyon ang mga nanalo sa Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay. Ang sanaysay ni Gng. Darlina Berhazar na pinamagatang, Wika Natin, Daang Matuwid (na sya ring tema ng pagdiriwang ngayong taon na galing sa Komisyon ng Wikang Filipino) ay siyang nagkamit ng ika-unang gantimpala habang ang sanaysay ni Gng. Marivic Sensense Maluyo na pinamagatang Wikang Filipino: Tinig ng Bayan, tulay sa pag-unlad ng Pilipinasang siyang nanalo ng gantimpalang pangkalahatan. 

Ang dulang Pamaypay, Yantok at Pluma, sa katunayan, ay binubuo ng tatlong maiikling dula na tumatahak sa buhay ng tatlong kababaihan sa kapanahunan ni Rizal --- si Maria Clara, Leonora at Sisa. Ang dulang ito ay adaptasyon ng mga dula nina Ruth Elyna Mabanglo (Ang Pluma), Nick Pichay (Balutan ng mga Gamit at Pagkain) at Chris Mallado (La Nazarena). Ikinalugod ng publiko ang kanilang panonood nito lalo na ang dula ay nasa wikang Filipino na ipinalabas sa Pransya. Ang kabuuan ng dula ay sa direksyon ni Bb. Connie Chua. Nagkaroon ng maikling salu-salo na inihanda ng Pasuguan pagkatapos ng dula.

phl

phl

phl

phl

phl

 

Wikang Filipino : Tinig ng Bayan, tulay sa pag-unlad ng Filipinas

‘Buwan ng Wika Ngayon !
Mabuhay ang Wikang Filipino ! 
Mabuhay ang Sambayang Filipino !
Mabuhay ang Filipinas !’

Ito ay mga pahayag na pumukaw ng aking atensyon habang aking binibisita ang websayt ng Komisyon sa Wikang Filipino. Akala ko ay namalikmata lamang ako sa aking nabasa…Mabuhay ang Filipinas ! na dating Mabuhay ang Pilipinas sana.  Para akong nasa gitna ng gubat... Nagmumuni-muni habang napa-iiling sa mga pagbabagong nagaganap mula sa mga nababasa. Hindi ko tuloy mapigilang manaliksik at magbasa kung kaya’t nanariwang muli ang kasaysayan ng wika na naging bahagi ng aking pag-aaral sa mga nagdaang taon.

‘Wika natin, daang matuwid.’ Totoo ba ? Naalala ko tuloy noong nakaraang taon, nang umuwi ako sa Pilipinas pagkatapos nang mahigit anim na taon ng paninirahan ko dito upang makapiling kong muli ang aking pamilya sa panandaliang bakasyon.  Hindi ko pinalampas ang pagkakataong lumahok sa isang Pandaigdigang kumperensya sa Wikang Filipino mula ika-3-5 ng Agosto 2012 na ginanap sa Manila at nagmula pa sa Hawaii ang mga nagsulong nito. Nakita ko ang mga guro sa Wikang Filipino na nagbabalitaktakan dahil sa mga nais na baguhin sa wika.  May mga purista o makaluma pa rin ang nais na gamitin sa pagtuturo lalo na ang mga nasa liblib na lugar na hindi pa nagkaroon ng mga bagong teksbuk na gagamitin sa pagtuturo upang makaalinsabay sa pagbabago, samantalang sa kabihasnan naman, sa kamaynilaan, masyado ng naging modernisado ang wika na anya’y umaagapay sa makabagong panahon…sa globalisasyon.

Nagkaroon ako ng pagkakataong isatinig ang aking mga napansin, may mga katanungan akong ibinato at nakita ko ang kahalagahan nito sa wika natin nang manirahan ako sa bansang ito, habang nag-aaral ng wikang Pranses ay napagmuni-muni ko na dahil sa pagkawala ng mahalagang bagay na ito sa bawat salita ay mahihirapan ang mga ibang lahi na mag-aral ng ating wika.  Hindi nila ito naunawaan at ayon sa kanila nasa makabagong panahon na tayo at dapat umagapay tayo sa mga pagbabago… subalit hindi nila maintindihan, dahil nagkaroon ako ng isang masigasig na dayuhang mag-aaral na nais matuto ng ating wika subalit hirap siya na matutunan ito. Pakiwari ko tuloy napakabobo kong guro at hindi ko maibigay ang kaniyang pangangailangan sa pagkauhaw niya sa pag-aaral ng ating wika dahil sa tuwing nagbabakasyon daw sila ng kaniyang asawa sa Filipinas ay hirap siyang makipagtalastasan dahil nais niyang maging parang taal ng Filipino siya kung makipag-usap.  Sa mga sandaling iyon mas lalo akong naging masigasig na maglaan ng sariling pag-aaral sa lingwistika ng wika at umaasa akong balang araw ay makita nila ang kahalagahan nito sa ating wika.

Marami nang naganap na rebisyon sa wika lalo na ang paggamit ng walong letrang naidagdag sa ating alpabeto. Mula sa payak na alibata noon, naging abakada, alpabetong Pilipino at naging Alfabetong Filipino. Mula sa mga pagbabagong ito, hindi pa rin nagkakaisa sa pagtuturo ng ortografiya ng wika ang mga guro dahil hindi lahat ay nakadadalo sa mga seminar tungkol sa wika dala na marahil ng kapos sa pondo ang paaralan.  Mabuti kung may mga kompyuter sana sa kanilang paaralan upang kahit paano ay mabisita nila ang websayt ng Komisyon sa Wikang Filipino. 

Sa ngayon, isang malaking kontrobersya ang paggamit ng Filipinas kapalit ng Pilipinas bilang tawag sa ating bansa. Ang mga dalubhasa sa wika ay nagbabangayan, maging ang mga pulitiko ay nagkukunot ng noo subalit may sapat na batayan ang mga nagsusulong nito upang baguhin at iwasto ang wika nang paunti-unti.  May batayan sila sa mga pagbabagong ito, sabi nga ang wikang buhay ay patuloy na nagbabago… Pinagtibay pa ito ng isang artikulo mula sa ating Saligang Batas na dapat ay may mamuno upang patuloy na malinang ito.

Isang napakagandang ehemplo ang kasalukuyang Pangulo ng bansang Filipinas na si Benigno Aquino. Kung mapapansin natin ay wikang Filipino ang kaniyang ginagamit sa lahat ng kanyang diskurso o pagbibigay ng mensahe sa taong bayan. Bagamat, maraming nagtataas ng kilay dahil sinasabi nilang hindi  man lang marunong mag-Ingles daw ang ating pangulo sa paggamit niya ng kaniyang sariling wika ay hindi siya nagpaapekto. Bagkus, winika niya sa kaniyang mensahe para sa Buwan ng Wika 2013 at Pambansang Kongreso sa Wika na ang Wikang Pambansa ay dapat pagmulan ng kolektibong dangal at hindi maging sanhi ng alitan ng mga mamayan nito.  Inilahad niya ang kaniyang personal na karanasan sa kongreso sa paggamit ng wikang Filipino noong baguhan pa lamang siya sa larangan ng pulitika.  Nagkaroon sila ng halos dalawang linggong debate tungkol sa wikang pambansa at siya’y nanghihinayang na sa halip na maging tagapagbuklod ito ay pumupunit pa sa mga prinsipyong naghuhulma sa ating bayan. Dahil dito, hinimok niya ang pamunuan ng mga nagsusulong sa pagpapayabong ng wika, ang Komisyon ng Wikang Filipino na ipagpatuloy ang pag-aaral at pagpapaunlad nito dahil ito ang siyang tunay na tinig ng bayan na tumatagos sa puso at nauunawaan ng lahat ng mga mamayan.

Ngayon, maliwanag na sa akin, ang dating hindi ko mawawaan ay unti-unting nabibigyan nang linaw subalit nangangailangan pa rin masusi, masining na pag-aaral at pananaliksik upang makamit ang hinahangad na pagbabago at tinatayang pag-unlad ng isang napakahalagang bagay na nagbubuklod sa sambayanang Filipino at ng bayang sinilangan... May tungkulin ang bawat mamamayan sa pagpapahalaga at paggamit ng sariling wika upang makamit ang mataas na uri ng pagbabago na umaagapay sa kasalukuyang panahon ng globalisasyon, habang binubuklod at pinagtitibay nito ang ating mga puso upang magkaisa para sa ating bansang Filipinas dahil ang wika natin ay daang matuwid na tulay sa makabuluhang pag-unlad ng ating bayang minumutya.

Ni : Marivic Senense Maluyo
45 Avenue Charles de Gaulle
92200, Neuilly-Sur-Seine

0614413764

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.

 

Wika Natin Daang Matuwid

Ang Wika ay isang paraan upang tayo ay magkaintindihan at magkaisa. Ito ay isang palatandaan na tayo ay mga totoong mga Pilipino.Ang wika natin ay napakahalaga sa bawat mamamayan upang masabi natin ang ating mga hinanaing. Ang wika natin ang maging gabay tungo sa ikakaunlad natin bilang mga Pilipino at para na rin sa ikakalutas ng ating mga suliranin.

Tayong mga Pilipino ay may kanya kanyang mga salita ngunit ganun pa man tayo ay nagkakaintindihan sa wikang Filipino o wikang tagalog may iisa tayong wika para maunawaan tayo ng ating kapwa tao. Dapat natin tandaan na nang dahil sa wika nararating natin kung ano man ang mga pangarap natin sa buhay. Kapag tayo ay nagsasalita ng ating sariling wika ipinapakita natin sa lahat ang pagiging makabayan natin.

Hindi natin ikinakahiya ang sariling wika dahil ayon pa kay Dr.JOSE RIZAL ang ating pambansang bayani ang sinumang hindi marunong magsalita ng sariling Wika ay maihahalintulad sa isang malansang isda. Kaya dapat natin pakakatandaan na kahit saan man tayong sulok ng mundo dapat natin pa rin isalita ang ating sariling wika. Huwag naman natin ikahiya o itago sa utak natin na kapag nasa ibang bansa tayo English ng English kapwa Pilipino naman kausap natin. Dapat natin isipin malayo man tayo sa ating bayang sinilangan huwag natin kalimutan na tayo ay mga Pilipino.

Masarap pakinggan KABAYAN pag ang wika natin ay ating ipinagmamalaki.Huwag nating talikuran ang pagiging makabayan at makabansa natin mas maganda parin sa pandinig ang salitang naiintindihan natin dahil ito ang susi ng pagiging mabuting tao para sa lahat. Ito ang magtuturo sayo para sa ikaayos ng iyong pamumuhay. Magiging maayos ka at karapatdapat sa ating bansang Pilipinas pag ipinagmalaki mo ang sariling wika natin.Kaya taon taon binibigyang halaga ang selebrasyong ito lalo na sa buwang agosto para maalaala natin ang pagmamahal sa ating Wika.    

                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                          Isinulat ni: Darlina F.Berhazar

'7 rue chardon lagache

14 villa de la reunion 75016 paris; tel:0631494676